KABANATA 39 - SI DONYA CONSOLACION

Isang munting ilaw ang tumatanglaw sa walang kaayusang loob ng bahay at maaninag sa maruruming kapis na kinakapitan ng agiw at kinadikitan ng alikabok. Ang señora, alinsunod sa kanyang ugali na laging walang ginagawa, ay nag-aantok sa isang mahabang upuan. Ang kagayakan niya ay gaya sa araw-araw, samakatwid, masama at napakapangit; ang tanging pinakapalamuti ay isang panyong nakatali sa ulo na nilulusutan ng manipis at maiikling buhok na gusot; ang baro ay pranelang bughaw, na ang pang-ibabaw ay isa ring barong tila noong bago ay puti, at isang sayang kumupas na naglalarawan sa mga payat at tuyong hita na nagkakapatong at ikinukuyakoy nang madalas. Sa kanyang bibig ay sunud-sunod na lumalabas ang usok na payamot na ibinubuga sa dakong natitingnan kung ibinubukas ang mata. Kung siya ay nakita nang mga sandaling iyon ni Don Francisco de Cañamaque[2] ay pinagkamalan marahil na ang babae ay isang mapaghari-harian sa bayan o mangkukulam, at hihiyasan pa marahil ang kanyang natuklas na ito ng mga opinyon sa wikang Kastilang-tindahan, na kanyang sariling likha, upang gamitin niyang mag-isa.

1 comment: