KABANATA 30 - SA SIMBAHAN


Sa magkabilang dulo ay puno ng mga tao ang kamalig na tinatawag ng mga tao na “Bahay ng Lumalang sa lahat ng nilikha.” Nagtutulakan, nagkakasiksikan, makakarinig ng maraming aray ang kakaunting papalabas at ang maraming papasok. Malayo pa ay iniuunat na ang bisig upang basain ng agua bendita ang mga daliri, datapwa’t darating na walang anu-ano ang isang bugso ng mga tao at napapalayo ang kamay: kung magkagayon ay naririnig ang isang ungol. Isang babaeng napagtapakan ay nagmumura, subalit patuloy pa rin ang tulakan. Ang ilang matandang nakasawsaw ng daliri sa tubig na iyon, na kulay-burak na, na pinaghinawan ng buong bayan, bukod pa sa mga dayo, ay nagpapahid ng buong pananampalataya ng tubig na iyon, kahiman lubhang mahirap, sa kanyang batok, tuktok, noo, ilong, baba, at sa pusod, na taglay ang pananalig na sa gayong paraan ay nalilinis sa kasalanan ang lahat ng dakong tinuran at hindi siya magkakasakit ng torticollis (sakit na rayuma sa batok, sa leeg, sa likod o sa balikat), ni sakit ng ulo, ni pagkatuyo, ni di-pagkatunaw ng kinain. Ang mga kabinataan, marahil ay sapagka’t di-lubhang masasaktin o kaya ay dahil sa di-naniniwala sa banal na lunas na iyon, ay bahagya nang basain ang dulo ng daliri (upang walang masabi ang mapanata) at kunwari’y isasayad ang noo, ngunit gaya ng mahihinala ay hindi ito idinidikit. “Banal na tubig nga, at sabihin na ang masasabi,” ang marahil ay iniisip ng ilang binibini, “nguni’t may kulay na!”

KABANATA 30 - SA SIMBAHAN

No comments:

Post a Comment