Ang balita ay lihim na inihahatid ng telegrama sa sa Maynila,[1] pagkatapos na makaraan ang tatlumpu’t anim na oras ay ibinalita na ng mga pahayagan ang nangyari, na binalot ng maraming hiwaga at babala;[2] na ginutay, inayos at dinagdagan ng tagasuri.[3] Samantala naman, ang mga balitang dala ng ibang tao, na galing sa mga kumbento, ay siyang unang palihim na kumalat, na ikinatakot ng bawat makaalam.[4] Ang pangyayari, na nag-iba ng ayos dahil sa ilang libong bersiyon, agad na pinaniniwalaan o hindi ayon sa udyok ng kalooban ng isa’t isa.[5]
Kahit ang katahimikang-bayan ay hindi nagagambala,[6] ngunit parang ang kapayapaan ng mga tahanan ay nahahalo, na gaya ng isang tangke: samantalang ang ibabaw ay walang kagalaw-galaw, ngunit sa ilalim ay nagsisigapang, naglalanguyan at naghahabulan ang mga piping isda. Ang mga krus, mga condecoracion,[7] mga ensigna sa balikat, mga trabaho, kabantugan, kapangyarihan, kahalagahan, kataasan, atbp., ay nagliparan na parang mga paruparo, sa isang ginintuang liparan, ayon sa nakikita ng isang bahagi ng mga mamamayan. Sa isang bahagi naman ay isang madilim na ulap ang pumaitaas, na sa kanyang abuhing kulay ay namumukod na parang maiitim na anino, ang mga rehas na bakal ng kulungan, mga tanikala at marahil ay maging ang nakapangingilabot na bitayan. Parang naririnig ang mga pagsisiyasat, mga kahatulan, ang mga sigaw na bunga ng pagpapahirap; ang Marianas at Bagumbayan ay namamalas na balot ng isang marumi at madugong talukbong:[8] ang mga mangingisda at isda ay nagkakagulo. Sa imahinasyon ng mga taga-Maynila ay inilalarawan ng Kapalaran ang pangyayari, nang kaayos ng ilang pamaypay na galing sa Tsina: ang isang mukha ay may bahid na itim at ang isa ay puno ng burda, matitingkad na kulay, mga ibon at bulaklak.[9]
KABANATA 59 -
ANG INANG-BAYAN AT ANG MGA KAPAKANAN